Bansang Nagkakaisa, Gamit ay Isang Wika

nina Christian Madrid, Tattiana Leigh Cayari, Alexaj Mae Modelo, at Rubilea Anthonette Pangindian ng Grade 11 – St. Pedro Calungsod

Nakalipas ang limang taon, maraming pangyayari,

Ang naganap sa ating bansa na ‘di natin mawari.

Mga bagyo’t sakuna ay sumira sa’ting sarili.

Ating bansa ay nabuo mula sa pagkakahati.

 

Ang pagpapatalsik kay Punong Mahistradong Corona,

Ang pagpapaaresto kay Dating Pangulong Gloria,

Si Blessed Pedro Calungsod ay santong itinalaga,

Naganap noong dalawanlibo’t labindalawa

 

Ang paglindol sa Bohol at paghagupit ng Yolanda,

Ito’y lahat kasunod ng pandaraya sa sistema.

Pang-aapi sa magsasaka ng Hacienda Luisita,

Ito ay mga paghihirap na naranasan ng bansa.

 

Agawan sa teritoryo ng Tsina at Pilipinas,

Korapsyon at katiwalian, lahat ay inilabas.

Mga may pananaguta’y dapat humarap sa batas,

Gamot sa kanser ng lipunan, nasa’n nga ba ang lunas?

 

Ang mahal nating wika’y sa pagkakaisa gamitin,

Isang magandang hakbang, tanggol-wika’y ihahain.

Pagtutulunga’t pagbabayanihan ay palawigin,

Ating bansa’t wika, sariling atin, ito ay mahalin.

 
*Ito ay kalahok sa patimpalak sa pagsulat ng tula para sa Buwan ng Wika, Kasaysayan, Sining, at Kultura, Agosto 2017.